Friday, August 17, 2012

Eugene Domingo expects comparison to Nora Aunor as she reprises Bona role onstage


by Rose Garcia
Original Article can be found HERE


Sa presscon ng stage remake ng Bona noong Martes, August 14, marami ang nakapansin na muling pumayat ang bidang aktres dito na si Eugene Domingo.

Lalo na kung ihahambing ang pangangatawan niya sa panahong nagpu-promote si Eugene ng pelikula niyang Kimmy Dora And The Temple of Kiyeme.

Inamin naman ng aktres noon na nadagdagan talaga ang timbang niya.
Ngayon, sabi ni Eugene sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “Nag-diet talaga ako. Kasi sa Kimmy Dora, tumaba ako nang husto dahil matakaw si Dora, di ba? 

“E, this time, hindi ako puwedeng maging mabigat dahil halos dalawang oras akong nasa entablado at kilos ako nang kilos.

“Kung mabigat ako, mapapagod ako agad. At hindi dapat na nakikitang hinihingal ka.”

Bilang isang aktres, hindi lang daw ang pag-arte ang pinaghahandaan at ini-improve. Kasabay raw talaga nito ang katawan at kalusugan.

“I have to be healthy. Yung stamina ko, kailangan priority ko, at walang bisyo,” sabi ni Eugene.
               
THE REMAKE. Ang ipapalabas na Bona ay stage remake ng 1980 film ng direktor at National Artist na si Lino Brocka.

Ang pelikulang Bona ay pinagbidahan nina Nora Aunor at Phillip Salvador.
Ang stage version ay pangungunahan ni Eugene bilang Bona at ni Edgar Allan Guzman sa papel noon ni Phillip.

Inaasahan na raw ni Uge, palayaw ni Eugene, na maikukumpara siya kay Nora.
“Of course, of course, lahat maku-compare—ang execution, ang pagganap ko.

“E, given na yun na maku-compare. 

“But, consciously, we are trying to show you something different and I hope maa-appreciate ninyo dahil lahat tayo, makaka-relate.”

Napanood daw niya ang Bona noon.

Ayon kay Uge, “In-update siya. Lahat ng istorya namin ngayon, ni-research. 

“They asked for my experiences, si Direk Soxy [Topacio]… Lahat kami nag-collaborate para makabuo kami ng isang materyal na hindi lumayo sa pinaka-diwa ng Bona noon na mapapanood niyo sa entablado.

“At kapag nakita niyo, ‘Oo nga, oo nga, ganyan nga ang fans ngayon.’”

Tinanong ng PEP si Uge kung may pagkakahawig ba siya sa karakter ni Bona.
Mabilis niyang sagot, “Fans ako, e. May s talaga, fans ako!”

NORANIAN. Aminado si Uge na fan siya ni Nora, na nakasama niya noon sa TV5 mini-serye na Sa Ngalan Ng Ina.

Sabi niya, “Alam niyo, nasanay na lang din ako. 

“Sa Sa Ngalan ng Ina, noong una, hindi ko nga alam kung paano kakausapin, kasi baka nagko-concentrate.  

“Dyusko, makalipas ang ilang linggo, mas joker pa siya sa akin! Siya talaga ang mahilig tumawa.”

Personal ba niyang iimbitahin si Nora para manood ng Bona sa entablado?

“Naku, hindi nga kailangang imbitahin, susugod nga!” natatawang sabi ni Uge.

At may bilin daw siya sa production kung sakaling manonood nga si Nora ng play niya: “Ang kabilin-bilinan ko sa kanila, huwag niyo na lang sabihin sa akin na nandiyan siya.”

Pero may basbas daw ni Nora sa pagganap ni Eugene ng isa sa mga pinaka-dramatic title roles ng Superstar.

“Napakasuwerte,” sambit ni Eugene, na napakahusay ding aktres na may eskaparate na rin ng awards at citations. 

“Natatanggal nang konti ang kaba ko, natatanggal nang konti, nagkakaroon ako ng kumpiyansa.

“Kaya ang gusto kong mangyari, maaliw si Ate Guy sa Bona namin na ito.

“Alam niyo, ilang taon, ilang dekada niya tayong inaliw sa mahusay niyang pagganap. Panahon na na siya naman ang ating aliwin. 

“Ang dami na niyang ibinigay sa atin, e.

“And I really hope, this time, itong aming palabas na Bona, e, talagang kiligin siya, matuwa siya.”

KISSING SCENE. Sa presscon ng Bona, na ginanap sa PETA Theater, ay nagpakita ng ilang excerpts mula sa dula.

Kabilang dito ang mahabang kissing scene nina Eugene at Edgar Allan, na ikinatuwa ng mga naimbitahang press.

Hindi ba siya nailang sa eksenang iyon?

“Hindi naman,” nakangiting sagot ni Uge.

“Professional nga ako. Ako pa ang nagsabi kay Edgar na, ‘Alam mo, blackout na.’ Pero, nakaganito pa rin ako. 

“Tapos sabi niya, ‘Sorry, hindi ko nakita, patay na pala ang ilaw. Halik pa rin ako nang halik.’

“Sabi ko, ‘Naku, okay lang yun, ‘no!’”

Aware siya na may kissing scene sila bago pa man sila mag-rehearsal?

“Ay, dapat may kissing scene!” sabi naman ni Uge. 

“Dapat may kissing scene. Para sa isang tagahanga na itinaya lahat, sigurado, hindi lang naging tagahanga ‘yan.”

Pero ayon kay Uge, sa actual play raw ay mas intimate pa ang mga eksena nila ni Edgar.

Hindi lang daw kissing scene, may love scene pa.

Kumusta si Edgar bilang kaeksena ni Uge sa entablado?

“Masipag siya, e, masipag siya. 

“At nakikita ko kay Edgar Allan, desidido siya. Gusto niyang may marating siya rito sa business na ito. 

“Not only para magkaroon siya ng mas maunlad na buhay, kung hindi bilang artista, gusto niya na may marating siya.”
               
THEATER AMBASSADOR. Halatang nagustuhan naman ni Uge nang tanungin ito kung gusto niyang mapaingay muli ang industriya ng teatro ngayong nagbabalik siya rito.

Gusto rin ba niyang maging ambassador ng Philippine theater?

“Yes, tama ka,” nakangiti niyang sabi.

“And I visualized that. Gusto ko, maraming pipila… hindi lang dahil required na manood ng play na mga estudyante, kung hindi dahil they want to experience theater.  

“At isa sa makakapag-attract diyan, di ba, tanggapin naman natin... Kung minsan, may artistang sinusundan nila sa TV na makikita nila nang live, performing in front of them, dire-diretso, e.

“I encourage them to please experience theater.”

Ano ba ang fulfillment na idinudulot sa kanya ng teatro?

“Ang fulfillment nito, natutuwa ako na sa puso ko, sa kabila ng lahat, alam ko pa rin kung saan ako nanggaling. 

“Alam ko pa rin kung ano ang kahalagahan ng meron kang malasakit sa craft, sa sining.

“Hindi lang pansarili, you know, it’s the company that you work with, it’s not only myself.”

Read the rest of the article HERE 

 
 Catch BONA on its closing weekend!
SEPTEMBER 22, 2012 / Saturday / 3 PM   
at The PETA Theater Center 
(No.5 Eymard Drive, New Manila, QC)

Contact Us:
Robert Ceazar Marzan  (0922.888.5348)
Jayme del Rosario (0927.202.2017)
or Onay Sales (0917.908.0565)


 

No comments:

Post a Comment